Emergency evacuation, ipinatutupad na matapos sumabog ang Bulkang Kanlaon

Inililikas na ang mga pamilyang naapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Kanlaon matapos itong pumutok kaninang alas-3:03 ng hapon.

Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Asec. Bernardo Rafaelito Alejandro IV, nagbaba ng direktiba si Defense Secretary at National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) Chairman Gilberto Teodoro Jr., na agarang ilikas at tulungan ang mga apektadong residente upang maiwasan ang casualties.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang paglilikas sa mga residenteng naninirahan sa loob ng six-kilometer radius ng Mt. Kanlaon kung saan tinatayang nasa 12,000 pamilya o 54,000 na indibidwal ang apektado mula sa Western Visayas at Central Visayas.


Sinabi rin nito na activated na ang Inter-Agency Coordinating Cell na binubuo ng mga kinatawan mula sa Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa epektibong response efforts.

Samantala, pinaghahandaan na rin ng mga awtoridad ang worst case scenario sa posibleng pagtataas sa Alert Level 4 ng Bulkang Kanlaon.

Facebook Comments