Emergency full council meeting idinaos ng NDRRMC kasunod ng nararanasang sama ng panahon at banta ng panibagong bagyo

Pinangunahan ni Office of Civil Defense Officer-In-Charge, Assistant Sec. Bernardo Rafaelito Alejandro IV ang isang Emergency Full Council Meeting ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kahapon kasama ang lahat ng mga matataas na opisyal ng mga pangunahing ahensya ng pamahalaan.

Dito, tinalakay ang mga gagawing hakbang ng pamahalaan bunsod ng malalakas na pag-ulan sa bansa dulot ng habagat at ng nagdaang bagyong Crising.

Tampok sa pagpupulong ang koordinasyon at maagap na aksyon upang maiwasan ang matinding pagbaha at pagguho ng lupa.

Binigyang-diin ng Office of Civil Defense (OCD) ang mahalagang papel ng mga lokal na pamahalaan sa pagbibigay ng aktuwal na datos mula sa mga apektadong lugar, na isinasama sa forecast ng DOST-PAGASA upang pagbatayan ang mga susunod na hakbang.

Suportado din ng OCD ang utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na agad tugunan ang mga epekto ng matitinding lagay ng panahon bilang bahagi ng climate resilience strategy ng gobyerno.

Kasunod nito, patuloy ang pagbabantay at koordinasyon ng mga ahensya habang binabantayan ang maaaring maging epekto ng panibagong Low Pressure Area (LPA).

Facebook Comments