Hinimok ni Energy Committee Chairman Senador Sherwin Gatchalian ang mga electric cooperatives na nasalanta ng Bagyong Rolly na pakinabangan ang ₱250 million na nakalaan sa ilalim ng kasalukuyang national budget para sa pagpapakumpuni ng mga nasirang linya ng kuryente.
Ang tinutukoy ni Gatchalian ay ang Electric Cooperatives Emergency and Resiliency Fund (ECERF) na nasa pangangasiwa ng National Electrification Administration at wala pang bawas hanggang noong June 30.
Paliwanag ni Gatchalian, ang nabanggit na pondo ay eksklusibong nakalaan para sa pagpapagawa at rehabilitasyon ng mga nasirang pasilidad o poste ng kuryente ng mga electric cooperatives o distribution utilities bunsod ng mga hindi inaasahang kaganapan.
Dagdag pa ni Gatchalian, ito ay response fund o pondong inilaaan para tugunan ang mga sitwasyong katulad ng pagtama ng kalamidad kung saan may mga linya ng kuryente na dapat isaayos ng walang dagdag pasanin sa bayarin ng kanilang mga konsyumer.
Giit ni Gatchalian, mahalaga na maibalik agad ang kuryente at linya ng komunikasyon sa mga apektadong lugar dahil makakaantala ito sa online classes.