Emergency hiring program ng DOH, 25 katao lang ang lumahok

Umabot lang 25-katao ang tumanggap ng alok ng Department of Health (DOH) na emergency hiring program na inilunsad noon pang Abril.

Dulot nito ay umapela si Health Secretary Francisco Duque III sa healthcare workers na hindi makalilipad sa ibang bansa na makiisa sa naturang programa.

Maalalang noong Abril, nag-isyu ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ng Governing Board Resolution No. 09-2020 kung saan sinususpinde ang deployment ng 14 category ng health workers dahil sa pandemic.


Samantala, duda naman ang grupo ng nurses kung seryoso nga ba ang gobyerno sa sinasabing ‘mass hiring’ nito ng health workers para tugunan ang COVID-19 pandemic.

Ayon sa Philippine Nurses United (PNU), maraming mga nurse ang sumubok na mag-apply sa website ng DOH, subalit sinagot umano sila na tapos na ang hiring habang ang iba naman ay wala talagang natanggap na sagot sa ipinasang aplikasyon.

Taliwas umano ito sa pahayag ng pamahalaan na minamadali ang pagkuha ng karagdagang health workers para makatulong sana sa mga overworked na mga medical staff sa iba’t ibang pagamutan.

Giit ni PNU Secretary General Jocelyn Andamo, dapat magkaroon ang gobyerno ng seryoso, agresibo, systematic na massive hiring.

Facebook Comments