Inaasahang bubuksan na sa publiko sa buwan ng Hulyo ang emergency lay-bys para sa mga motorsiklo at bisikleta sa ilalim ng flyover ng EDSA, C5 at Commonwealth.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Don Artes, target ng ahensya na makapagpalagay nang hindi bababa sa 14 na motorcycle lay-bys sa mga nabanggit na lugar.
Paliwanag pa ni Artes, ang emergency lay-bys ay magagamit ng mga rider para masilungan sa panahon na malakas ang ulan.
Kahapon, nagsagawa ng inspeksyon ang MMDA sa isa sa mga motorcycle lay-bys sa ground level ng Quezon Avenue flyover sa Quezon City.
Dagdag pa ni Artes, may mga MMDA personnel na rin silang sinanay para umasiste sa mga rider na mangangailangan ng emergency assistance.
Ang lay-bys ay nilagyan na rin ng basic repair shop at vulcanizing tools para magamit ng mga rider at siklista sa oras ng pangangailangan.