Emergency loan program ng GSIS para sa mga biktima ng magnitude 7 na lindol sa Abra, magbubukas na ngayong araw

Magbubukas na ngayong araw ang emergency loan program ng Government Service Insurance System (GSIS) para sa mga miyembro at pensioners nitong naapektuhan ng magnitude 7 na lindol sa Abra noong July 27.

Ayon sa GSIS, maaaring manghiram ang miyembrong walang existing emergency loan ng aabot sa 20,000 pesos.

Habang ang may mga hindi pa nababayarang emergency loans ay maaaring manghiram ng hanggang 40,000 pesos upang mabayaran ang kanilang balance at maaari pa ring makatanggap ng maximum net amount na 20,000 pesos.


Agad naman itong ilalagay sa Unified Multi-Purpose Identification (UMID) card o sa temporary eCard plus account ang naturang loan.

Maaari naman itong bayaran sa loob ng 36 buwan o tatlong taon na mayroong 6% na interest rate.

Tinatayang aabot sa 7,000 miyembro sa probinsya ng Abra ang maaaring mag-apply nito hanggang September 4.

Samantala, handa naman ang GSIS na magbukas ng loan program sa iba pang lugar na tinamaan ng lindol kapag nagdeklara na ng state of calamity sa kanilang lugar.

Facebook Comments