Emergency meeting hinggil sa sitwasyon ng COVID-19, isinagawa ng lokal na pamahalaan

Nagsagawa ng emergency meeting ang lokal na pamahalaan ng Maynila na pinangunahan ni Mayor Isko Moreno.

Ito’y para pag-usapan ang kasalukuyang sitwasyon ng lungsod ng Maynila hinggil sa pagtaas ng bilang ng tinatamaan ng COVID-19.

Kasama sa nasabing biglaang pagpupulong ang anim na director ng district hospital, mga pinuno ng Manila Health Department (MHD), Barangay Bureau, Manila Disaster and Risk Reduction Management Office (MDRRMO) at si Manila Police District (MPD) Chief P/BGen. Leo Francisco.


Nabatid na sa naging ulat ng mga director ng district hospitals hinggil sa COVID-19 beds occupancy, nasa 19 percent na sa Ospital ng Maynila; 89 percent sa Ospital ng Sampaloc; 24 percent sa Justice Jose Abad Santos Memorial Hospital; 53 percent sa Gat Andres Bonifacio Hospital, 42 percent sa Sta. Ana Hospital at 113 percent sa Ospital ng Tondo.

Sa inilabas naman na datos ng MHD, nasa 1,549 na ang bilang ng aktibong kaso sa lungsod kung saan ang Sampaloc District ang nangunguna sa mataas ang bilang na nasa 239; Tondo District-1 na nasa 223 at Malate na nasa 205.

Paliwanag naman ni Dr. Arnold Pangan, head ng MHD, karamihan ng mga bagong cases ay magkakamag-anak magpapamilya sa Tondo 1 at Sampaloc habang sa Malate naman ay pawang mga seaman na nasa Condo ang tinamaan ng virus.

Kaugnay nito, ipinag-utos ni Mayor Isko na simula bukas nasa 30 percent na lamang ng kanilang personnel ang papayagan mag-report sa city hall maliban na lamang sa mga tauhan ng anim na district hospital, MHD, MDRRMO, Manila Traffic And Parking Bureau (MTPB), Department of Engineering and Public Works (DEPW) at Department of Public Service.

Facebook Comments