
Naglunsad ng isang Emergency meeting ang National Disaster Risk Reduction and Management Operations Center kasama ang mga regional offices ng Office of Civil Defense (OCD) mula sa NCR, Central Luzon, CALABARZON, at MIMAROPA.
Ito ay matapos yumanig ang magnitude 4.6 na lindol sa General Nakar, Quezon kaninang tanghali kung saan naramdaman din ito sa Metro Manila.
Ayon sa OCD, walang naiulat na pinsala sa mga gusali o imprastruktura. Kumpirmado rin na walang nasugatan o anumang pinsala sa ngayon.
Tinalakay din sa pulong ang patuloy na assessment at ang kalagayan ng mga importanteng pasilidad tulad ng Ipo at Angat Dam sa Region III kung saan patuloy na binabantayan ang posibleng aftershocks at iba pang epekto.
Kasunod nito, nanawagan ang mga awtoridad sa publiko na manatiling kalmado, maging alerto, at maghanda sa posibleng aftershocks.
Pinapayuhan din ang lahat na sundin ang opisyal na abiso ng mga kinauukulan.









