Emergency powers para sa Pangulo laban sa PhilHealth, inihain sa Kamara

Isinusulong sa Kamara ang pagbibigay ng emergency powers kay Pangulong Rodrigo Duterte para i-reorganisa ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) upang malinis ang ahensya sa mga kinakaharap na katiwalian.

Sa ilalim ng House Bill 7832 o Philippine Health Insurance Corporation Crisis Act of 2020 na inihain nila Committee on Public Accounts Chairman Mike Defensor at Good Government and Public Accountability Chairman Jose Antonio Sy-Alvarado, binibigyang otoridad ang Pangulo para magsagawa ng reorganisasyon sa ahensya upang tugunan ang kasalukuyang problema ng anomalya at korapsyon.

Sakaling maging ganap na batas ay maaaring bumuwag o bumuo ng bagong opisina, paghiwalayin o pag-isahin ang mga posisyon, maglipat ng function o tungkulin, gayundin ng equipment, properties, records at personnel, at magpatupad ng drastic cost cutting measure at iba pang hakbang.


Tatagal naman ng isang taon ang naturang emergency powers para sa Pangulo maliban na lamang kung bawiin o palawigin ng Kongreso sa pamamagitan ng isang resolusyon.

May mga inilatag din na paraan kung saan maaaring pumasok sa isang negotiated contracts ang Pangulo para maprotektahan ang pondo ng PhilHealth laban sa anumang uri ng korapsyon.

Facebook Comments