Nagpakitang-gilas ang mga emergency responders mula sa iba’t ibang bayan at lungsod ng La Union sa ginanap na 2026 Rescuelympics noong Pebrero 17 sa Convention Center Grounds sa San Fernando City.
Lumahok ang mga first responders mula sa dalawampung Local Disaster Risk Reduction and Management Offices (LDRRMO) sa lalawigan kung saan ipinamalas nila ang kanilang kahandaan sa iba’t ibang simulated rescue scenarios.
Kabilang sa mga isinagawang aktibidad ang emergency medical services, first aid, at ropemanship na sumubok sa kanilang koordinasyon at kasanayan sa pagtugon sa sakuna.
Ayon sa pamahalaang panlalawigan, nagsilbing friendly competition ang Rescuelympics at naging sukatan din ito ng Provincial DRRMO upang matukoy ang kakayahan ng bawat LDRRMO at magsilbing batayan sa mga susunod na capacity-building interventions.
Bahagi ang aktibidad ng pagdiriwang ng ika-176 na anibersaryo ng La Union at layuning palakasin ang ugnayan at pagtutulungan ng mga responder sa buong lalawigan.










