Emergency room ng Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center sa Maynila, pansamantalang isinara makaraang magpositibo sa virus ang 8 health workers nito

Sarado mula alas-syete ng umaga kahapon hanggang alas-syete ng umaga sa May 5 ang Emergency Room o ER ng Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center sa Tondo, Maynila.

Alinsunod ito sa derektiba ni Manila Mayor Francisco Isko Moreno Domagoso makaraang magpositibo sa COVID-19 ang walong health workers ng nasabing ospital.

Kinabibilangan yan ng apat na doktor, isang radiology technologist, isang medical technologist at dalawang nurse.


Ayon kay Mayor Isko, habang sarado ang ER ay isasagawa ang general cleaning at disinfection operations sa buong hospital.

Sinabi naman ng Director ng ospital na si Dr. Ted Martin, habang sarado ang ER ay hindi muna sila tatanggap ng pasyente pero mananatili namang bukas ang outpatient services nito at  dialysis center.

Ipinaliwanag ni Dr. Martin, na lahat ng nakatakdang surgical and medical cases sa Gat Andres Hospital ay ire-refer sa Ospital ng Maynila, habang ang mga OB at Pedia patients naman ay ililipat sa Ospital ng Sampaloc, Ospital ng Tondo at Justice Jose Abad Santos General Hospital.

Kaugnay nito ay nakikiusap si Mayor Isko sa mga pasyente na nagpapakunsulta sa mga ospital at health facilities na maging totoo sa pagsasabi ng tunay na kalagayan at kundisyon para sa kanilang kaligtasan at ng mga healthcare workers.

Facebook Comments