Manila, Philippines – Nailipat na sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa Muntinlupa City ang pasyenteng OFW mula saudi na isinugod sa Laguna Doctors Hospital dahil sa hinihinalang kaso ng Middle East Respiratoty Syndrome Coronavirus o MERS-COV.
Una rito, pansamantalang isinara ang emergency room ng Laguna Doctors Hospital para isailalim sa general disinfection ang pasilidad.
Ayon kay DOH-CALABARZON Director Dr. Edgardo Janairo – under control na ang sitwasyon sa ospital.
Itinanggi rin ng opisyal ang kumakalat na balitang namatay ang pasyente dahil sa Severe Acute Respiratory Syndrome o SARS.
Ang SARS at MERS-COV ay mga uri ng nakakahawang respiratory diseases na nagsimula sa Hong Kong at China at ngayon ay mayroon na rin sa Middle East.
Ayon kay Janairo – walang kaso ng sars at MERS-COV sa Pilipinas pero mahigpit nila itong binabantayan dahil kapag kumalat, mahirap na aniya itong kontrolin.
Kabilang sa mga sintomas ng MERS-COV ay lagnat na may kasamang ubo, sore throat, nasal congestion o hirap sa paghinga, fatigue o sobrang pagod, pananakit ng ulo, pangangatal, pagsusuka at pagtatae.
Ayon naman kay DOH Sec. Francisco Duque III – isolated case lamang ito.