Nag-uumapaw muli at wala nang mapaglagyan ng mga pasyente ang Emergency Room (ER) ng Philippine General Hospital (PGH).
Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni PGH Spokesman Jonas del Rosario na sa ngayon ay nasa 200% capacity na ang kanilang ER.
Ayon kay Del Rosario, 70-person bed capacity lamang ang kaya ng kanilang ER pero ngayon ito ay nasa 150 patients na kung kaya’t tila hindi na mahulugang karayom ang ER ng PGH.
Ani Del Rosario, karamihan ng mga pasyenteng isinusugod sa pagamutan ay may pneumonia, diabetes, heart diseases, lung diseases at kidney illnesses.
Sinabi pa nito na mag-iisang buwan na buhat nang dumagsa ang mga pasyente sa PGH kung kaya’t ang iba ay kanila nang dinadala sa iba pang pagamutan.
Kasunod nito, para ma-decongest ang pagamutan, nakikipag-ugnayan sila sa ibang ospital para mailipat sa take down facility ang pasyente o mapauwi na kung hindi naman life threatening ang kanilang karamdaman.
Nagdagdag narin ang PGH ng 10 hanggang 15 kama o stretcher beds para makapag-accommodate ng mas maraming pasyente.