Emergency room ng PGH, pansamantalang hindi tatanggap ng mga pasyente

Kinumpirma ni Dr. Jonas Del Rosario, tagapagsalita ng Philippine General Hospital (PGH) na limitado muna ang operasyon ng kanilang Emergency Room (ER).

Kasunod ito nang nangyaring sunog sa audio-visual room ng Department of Medicine ng PGH na batay sa impormasyon ay nasa iisa o katabing gusali ng ER.

Ayon kay Dr. Del Rosario, hindi muna tatanggap ng mga bagong pasyente ang kanilang ER pero tuloy naman ang serbisyo ng PGH sa iba pang mga pasyente kasama na ang Out Patient Department (OPD).


Kaugnay nito, patuloy ang pagdating ng mga pasyente kaninang madaling araw kung saan ang iba sa kanila ay inihahatid ng mga ambulansiya mula ilang lalawigan.

Nilinaw rin ni Del Rosario na limitado lamang sa AVR ng Department of Medicine ang nasira dulot ng sunog at walang ibang pasilidad ag naapektuhan.

Nakatakda naman isailalim sa renovation ang bahagi ng ospital na nasunog habang iniimbestigahan pa ng BFP Manila ang sanhi ng insidente.

Facebook Comments