Emergency room sa ilang ospital sa Southern Metro Manila, full capacity na

Puno na ang emergency room sa ilang ospital sa Southern Metro Manila, kabilang na ang Las Piñas General Hospital at Ospital ng Muntinlupa.

Sa Las Piñas, puno na ang ikaanim hanggang ikawalong palapag ng Las Piñas General Hospital dahil sa mga pasyenteng tinamaan ng leptospirosis at dengue.

Sa huling record ng naturang ospital, 37 adults at anim na bata na may leptospirosis ang kasalukuyang naka-admit sa ospital habang pitong indibidwal naman ang naka-confine dahil sa dengue.

Kahapon nang binuksan ang ika-9 na palapag ng ospital para mailipat ang ilang pasyente at na-admit na ang ibang nasa emergency room.

Binuksan na rin ang fast lane para sa leptospirosis at dengue patients para agad matugunan kaya’t hindi na kailangan maghintay ng mga pasyente sa labas.

Samantala, humihingi naman ang pamunuan ng mga ospital ng pang-unawa sa mga pasyente at inabisuhan na magtungo muna sa ibang ospital para sa agarang atensyong medikal.

Facebook Comments