Hinimok ng isang mambabatas sa La Union ang paggamit ng Provincial Emergency Trust Fund upang tulungan ang mga apektadong magsasaka at mangingisda na gumagamit ng makinarya, bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at ilan pang bilihin.
Sa ginanap na sesyon, tinukoy ang naturang trust fund bilang critical safety net alinsunod sa mga polisiya upang matiyak ang tugon sa mga pagsubok sa ekonomiya sa kasalukuyan.
Ipinasa na sa Committee on Agriculture and Aquatic Resources ang usapin upang suriin ang kasalukuyang paggamit ng pondo at upang matukoy ang kabuuang bilang ng mga benepisyaryo, na magagamit din sa pagpapatupad ng mga programang nagbibigay tulong sa mga residente.
Apela din ng mambabatas ang maayos na kolaborasyon ng mga tanggapan upang maipabatid ang government assistance na inilaan para sa mga nararapat na magsasaka at mangingisda.
Ang naturang Emergency Trust Fund ay nagamit upang tulungan ang mga magbababoy sa matinding perwisyong idinulot ng African Swine Fever noong 2024, at pinanghugutan din ng pondo para sa mga nasalanta ng Bagyong Emong noong 2025. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










