Anumang araw ay inaasahang ilalabas na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang Executive Order (EO) na pumapayag sa paggamit ng bakuna kontra COVID-19 kahit hindi pa ito aprubado ng Food and Drug Administration (FDA).
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, approved in principle na kasi ito ni Pangulong Duterte.
Ibig sabihin, kahit nagpapatuloy pa ang phase 3 ng clinical trials ng bakuna kontra COVID-19 sa bansang pinagmulan nito at hindi pa naaaprubahan ng FDA natin ay maaari na itong gamitin.
Nabatid na kung may Emergency Use Authorization (EUA), ay pwedeng ikonsidera at pagkatiwalaan ng FDA ang mga evaluations na ginawa ng ibang national regulatory authorities sa ibang bansa para sa pagdedesisyon sa mga aplikasyon nila sa ating bansa hinggil sa dini-develop nilang bakuna.
Inihalimbawa ni Roque ang Sinovac at Sinopharm sa China kung saan noong July 22 pa ito nakakuha ng EUA at ginagamit na sa mga tinagurian nilang high risk population.
Ang Estados Unidos aniya ay posibleng maglabas na rin ng EUA sa Pfizer sa darating na buwan ng Disyembre.
Una nang sinabi ng Department of Health (DOH) na hindi basta-basta ginagamit ang EUA bagkus kapag mayroon lamang medical health emergency tulad ng COVID-19 pandemic.
Sa pamamagitan ng EUA ay mas magiging mabilis na ang proseso o magiging 21 araw na lamang kumpara sa 6 na buwang paghihintay bago maaprubahan ang aplikasyon para sa anupamang prosesong kailangang pagdaanan tulad ng clinical trials.