Nilinaw ni Health Undersecretary at Treatment Czar Leopoldo Vega na hindi pa tiyak kung ang bakuna galing China na Sinovac ang gagamitin sa bansa.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Vega na wala pang naisusumiteng Emergency Use Authorization (EUA) application ang Sinovac sa Food and Drug Administration (FDA) at Department of Science and Technology (DOST) na siyang mag-aapruba kung pasado itong gamitin sa bansa.
Aniya, batay sa FDA, ilalabas pa lang ng Sinovac ang kanilang interim result ng Phase 3 clinical trials sa katapusan ng Disyembre 2020 o pagpasok ng 2021.
Iginiit naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na walang kinikilingan ang pamahalaan sa pagbili ng bakuna laban sa COVID-19.
Sa katunayan aniya ay nasa anim o pitong COVID-19 vaccines ang balak bilhin ng pamahalaan na pasok sa standard ng World Health Organization (WHO) na may 50 percent hanggang 70 percent efficacy rate.
Matatandaang ilang senador ang umapela sa pamahalaan na piliin ang pinakamaganda at pinaka-epektibong bakuna kontra COVID-19 at hindi katanggap-tanggap na pipili ng bakuna na 50-50 percent lang ang bisa.