Emergency use ng anumang COVID-19 vaccine, wala pang authorization – FDA

Nilinaw ng Food and Drug Administration (FDA) na wala pa silang inilalabas na Emergency Use Authorization (EUA) sa anumang bakuna para sa COVID-19.

Ito ang sinabi ng FDA kasabay ng panawagan sa publiko na iwasang magpaturok ng hindi awtorisadong bakuna.

Ayon kay FDA Director General Eric Domingo, mahalagang mag-ingat ang publiko sa pagbili o paggamit ng bakunang nagsasabing ligtas at mabisa laban sa COVID-19.


Kapag walang proper authorization, wala ring garantiya na epektibo ang bakuna lalo na at hindi ito dumaan sa kinakailangang technical evaluation ng FDA.

Babala pa ni Domingo, ang manufacture, importation, exportation, sale, distribution, transfer, non-consumer use, promotion, advertisement o sponsorship ng anumang hindi awtorisadong bakuna ay bawal.

Makikipagtulungan ang FDA sa iba pang ahensya para gumawa ng kaukulang aksyon laban sa mga hindi awtorisadong bakuna.

Facebook Comments