Inihayag ng Food and Drug Administration (FDA) na hindi basta-bastang mabibigyan ng Emergency Use of Authorization (EUA) ang mga bakuna sa bansa kontra COVID-19.
Kasunod ito ng nakatakdang aplikasyon ng Pfizer Inc. para sa EUA bago matapos ang Nobyembre para sa kanilang COVID-19 vaccine na lumabas na 95% na epektibo.
Ayon kay FDA Chief Rolando Domingo, kailangan pa ng Executive Order mula kay Pangulong Rodrigo Duterte bago i-grant ang EUA, na makakatulong para mapabilis ang pag-apruba sa paggamit ng bakuna laban sa COVID-19.
Sa ngayon kasi aniya ay wala pa ring gamot sa sakit dahil sinusuri pa ito at pinapayagan lamang sa Pilipinas bilang ‘Investigational Drugs for Compassionate Use’.
Samantala, aabot pa sa limang COVID-19 manufacturers ang nagpahayag ng kagustuhang magsagawa ng clinical trials sa Pilipinas ayon kay Domingo.
Aniya, nakakita kasi ang mga ito ng bentahe kung ano ang nagiging epekto ng mga bakuna sa mga Pilipino.
Isa sa mga manufacturers na ito ay ang Sinovac na una nang pumasa sa evaluation ng vaccines experts panel ng Department of Science and Technology (DOST).