Empleyado ng GMA 7, arestado sa QC; shabu na nakumpiska, nilulon

Arestado ng Quezon City Police District ang empleyado ng GMA 7 matapos lulunin ang sachet ng shabu na nakumpiska sa kaniya sa quarantine checkpoint sa Brgy. Loyola Heights, Quezon City.

Kinilala ni QCPD Director Police Brigadier General Ronnie Montejo ang arestado na si Giovani Belison, 36, field production assistant ng GMA 7 News and Public Affairs.

Nauna rito, nakuha ang atensyon ng mga tauhan ng Anonas Police Station sa nangyayaring pagtatalo sa pagitan nina Belison at isang motorista sa may checkpoint sa Aurora Blvd. sakop ng Brgy. Loyola.


Nang papalapit ang mga pulis para sana awatin ang dalawa, biglang pinaharurot ni Belison ang kaniyang motorsiklo.

Dahilan para ialerto ng mga otoridad ang Police Station 6 na mabilis na humarang kay Belison.

Nang siyasatin ito ay nakuhanan siya ng dalawang sachet ng hinihinalang shabu.

Tinangka pa umanong lulunin ni Belison ang ebidensya pero mabilis ang isa sa mga pulis na maagaw ang natitirang sachet ng shabu.

Kaugnay nito, naglabas ng statement ang DZBB na nagsasabi na hindi nila empleyado si Belison kundi ng third party supplier ng kumpanya.

Nakikipag-ugnayan na ang DZBB sa third party supplier na employer ng hinuling driver nito para sa nararapat na aksyon.

Facebook Comments