Nagpakita ng katapatan ang isang empleyado ng LGU Mangaldan matapos isauli ang napulot na cellphone ng isang estudyante nitong Huwebes, Setyembre 4, sa Duyala Street.
Kinilala ang naturang empleyado na si Carlos Quinto, President ng Amigo TODA at deputized member ng Public Order and Safety Office (POSO). Agad niyang ibinalik ang cellphone sa may-ari na si Mark Joshua Cobella, isang Grade 10 student ng Mangaldan National High School (MNHS).
Ayon sa tala, hindi ito ang unang pagkakataon na nagsauli ng naiwang gamit si Quinto. Ito na ang ikalawang beses na nakapulot siya ng cellphone na kanyang ibinalik sa tunay na may-ari.
Pinuri naman ang ginawa ni Quinto, na patunay ng tapat na paglilingkod at integridad. Itinuturing siyang huwaran hindi lamang sa kapwa kawani ng LGU kundi maging sa komunidad.
Ang simpleng hakbang ng pagsasauli ng napulot na gamit ay nagbigay ng malaking inspirasyon at paalala na ang katapatan ay mahalagang ugali na dapat panatilihin sa lipunan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









