Cauayan City, Isabela- Maswerteng nakaligtas sa bingit ng kamatayan ang isang empleyado ng gobyerno matapos paputukan ng baril sa kahabaan ng Zone 2, Barangay Tallang, Baggao, Cagayan.
Nakilala ang biktima na si John Paul Cariño, 34 taong gulang, may asawa, LGU employee at residente ng Brgy. Tallang sa nasabing bayan habang ang suspek ay nakilalang si Paquito Roa alyas Kit, nasa hustong gulang, negosyante at residente naman ng Poblacion, Baggao, Cagayan.
Batay sa paunang imbestigasyon ng PNP Baggao, dumating ang biktima sa warehouse ng kanyang biyenan na nasa impluwensya ng alak at nakita ang suspek na nakikipagtagay sa biyenan kasama ang isang lalaki na kinilalang si Jong Austria.
Nilapitan at ininsulto ng biktima ang suspek at lumayo sa kanilang inuman.
Sinundan ng suspek ang biktima at sinabihan ito na sundan siya kaya’t agad na umalis ang suspek sa lugar kasama si Austria sakay ng isang puting sasakyan patungong San Jose, Baggao.
Habang sinusundan ng biktima ang suspek sakay ng kanyang minamanehong motorsiklo ay biglang pinaputukan ng suspek ng dalawang beses ang biktima ngunit maswerte itong hindi nabaril.
Agad na nagsumbong ang biktima sa Tallang Patrol Base na agad namang tinugunan ng PNP Baggao at narekober sa pinangyarihan ng pamamaril ang dalawang piraso ng basyo ng Caliber 45 na baril.
Kasalukuyan naman ang hot pursuit operation ng pulisya para sa ikadarakip ng tumakas na suspek.