
Pinatawan ng 90-araw na suspensyon ng Land Transportation Office (LTO) ang isang kawani nito sa Samar matapos ang umano’y pagkakasangkot nito sa iligal na paglipat ng pagma-may-ari ng sasakyan.
Inilabas ni LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II ang suspensyon matapos makitaan ng batayan ang reklamong isinampa ng isang may-ari ng sasakyan nitong Enero.
Ito ay para sa mga kasong administratibo na Gross Neglect of Duty at Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service laban sa isang supervising transportation regulation officer sa Samar.
Batay sa reklamo, ipinroseso nito ang ilegal na paglipat ng pag-aari ng isang Sedan.
Inihain naman ng babaeng complainant ang reklamo sa Office of the Ombudsman na siya namang ngayong pinapaimbistigahan sa LTO.
Ayon naman kay Asec. Mendoza, kasalukuyang isinasagawa ang imbestigasyon hinggil sa kaso at tinitiyak na hindi nila kukunsuntihin ang ganitong iligal na aktibidad sakaling ito ay mapatunayan.









