Cauayan City, Isabela- Dinakip ng mga otoridad ang isang empleyado ng LGU Sta. Teresita makaraang paputukan nito ang mga rumespondeng kapulisan sa naganap na kaguluhan sa kanilang bayan.
Kinilala ang suspek na si Melecio Rosal, 40-anyos at residente ng Barangay Buyun sa nasabing bayan.
Ayon kay PCapt. Ranulfo Gabatin, hepe ng PNP Sta. Teresita, nagsimula ang kaguluhan ng kasalukuyang nag-iinuman ang suspek at kanyang mga kapitbahay ng magkaroon ng hindi pagkakaunawaan.
Nagawa pang umuwi ng suspek sa kanyang bahay subalit nakarating na ang mga pulis sa lugar kung saan ng makita nito ang mga otoridad ay bigla umano silang pinaputukan gamit ang kalibre 45 na baril.
Agad namang hinabol ng mga pulis ang suspek sa kanyang bakuran habang maswerte namang walang naitalang sugatan sa nangyaring pagbaril ng suspek.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya, aksidente lang umano na nakalabit ng suspek ang baril at dal ana rin umano ng kanyang matinding kalasingan.
Posible namang maharap sa kasong alarm and scandal ang suspek na nasa kustodiya ngayon ng pulisya.