EMPLEYADO NG NILOOBANG PAWNSHOP SA CAUAYAN CITY, UMAMIN NA SANGKOT SA KRIMEN; SUSPEK, NAKASUHAN NA

Cauayan City, Isabela- Pormal nang kinasuhan ng Cauayan City Police Station ang isa sa mga suspek sa niloobang bahay sanglaan na pagmamay-ari ni Ms. Marjorie Tan na nakabase sa primark Cauayan sa barangay San Fermin.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan mula sa mga imbestigador ng pulisya, nahaharap ngayon sa kasong Qualified Theft si Anna Mae Lagman, senior appraiser ng Galaxy pawnshop kung saan batay sa pagsusuri ng piskalya sa mga iprinesintang ebidensya ng pulisya, pasok ito sa kasong Qualified Theft dahil sinadya, planado ang pagnanakaw at kakilala umano ni Lagman ang kawatan.

Una nang itinanggi ni Lagman na meron siyang kinalaman sa krimen subalit kalauna’y umamin din ito sa mga otoridad kung saan siya mismo ang naging tulay upang makapasok at makapag nakaw ang kawatan.


Ayon pa sa mga imbestigador, dati nang nabuksan ang vault at main door ng Cashier’s office kung kaya’t nakapasok ng walang kahirap-hirap ang armadong suspek.

Nabatid din na mismong si Lagman ang nag utos sa gwardiya na bumili ng kanilang pananghalian na siya namang sinamantala nilang pagkakataon para isagawa ang krimen.

Kaugnay nito, tukoy na rin ng pulisya ang lalaking mismong pumasok sa pawnshop na sapul sa CCTV Footage at sinasabing kakilala mismo ito ni Lagman na ngayo’y hindi pa pwedeng isa publiko ng pulisya ang pangalan nito upang hindi makompromiso ang kanilang patuloy na imbestigasyon at para na rin sa pagkakahuli ng iba pang mga sangkot sa krimen.

Napag-alaman din ng mga otoridad na isang grupo ang mga nasa likod sa pagnanakaw sa nasabing pawnshop.

Matatandaan noong September 5, 2021 ng tanghali, pinasok ng di pa nakikilalang suspek ang nasabing pawnshop kung saan natangay nito ang cash na nagkakahalaga ng mahigit Php100,000.00 at alahas na tinatayang aabot sa halagang milyon.

Kasalukuyan pa ring nakapiit sa lock-up cell ng PNP Cauayan si Lagman at hinihintay na lamang ang commitment order nito mula sa korte bago siya ipasakamay sa BJMP Cauayan.

Facebook Comments