Empleyado ng ospital, arestado nang mahuling sinusubo ang paa ng tulog na pasyente

Tiklo ang isang trabahador sa ospital sa Florida, US matapos umanong isubo ang mga daliri sa paa ng natutulog na pasyenteng senior citizen.

Nasa loob ng kuwarto ng biktima ang kinilalang si Frantz Beldorin, 23, nang mangyari ang insidente noong nakaraang Lunes ng gabi, ayon sa NBC2.

Salaysay ng hindi pinangalanang pasyente, nagising siyang may nararamdamang humahawak sa kanyang paa na inakala niya namang nars lang na tumitingin sa kanya.


Hanggang sa naging paulit-ulit ang pagdampi at nakaramdam na raw ng basa ang matanda sa mga daliri ng kanyang paa.

Nang tumingin sa ibaba, tumambad umano si Beldorin na nakaluhod sa paanan ng higaan ng pasyente.

Inilayo ng matanda ang kanyang paa at saka bumalik sa kinauupuan ang suspek na nagtatrabaho noong taga-bantay ng isa pang pasyente sa kuwarto ng biktima.

Matapos isumbong ang nangyari, tinawag ng ospital ang pulisya at dinakip si Beldorin sa kasong battery on a person 65 years of age or older.

Facebook Comments