Cauayan City, Isabela- Nasamsam sa bahay ng isang empleyado ng gobyerno ang ilang kontrabando sa isinagawang paghahalughog sa bisa ng search warrant sa Gonzaga, Cagayan.
Batay sa ulat ng pulisya, kinilala ang suspek na si alyas Julifer, 31-anyos, may-asawa, empleyado ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) at residente sa nabanggit na lugar.
Magkasanib pwersa ang mga tauhan ng Gonzaga Police Station; Provincial Intelligence Unit, Cagayan Police Provincial Office; 4th Mobile Force Platoon, at 2nd Provincial Mobile Force Company na nagsagawa ng paghahalughog at tumambad ang ilang piraso ng Granada, isang (1) piraso ng magazine M16 rifle, 11 pirasong bala ng 5.56 caliber at 6 pirasong bala ng .45 caliber.
Ipinalabas ni Judge Nicanor Pascual ng RTC Br. 8 ang search warrant dahil sa paglabag umano sa RA 10591.
Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng pulisya ang suspek na nahaharap sa kasong RA 10591 at RA 9516.