
Pinaiimbestigahan ni Senator Jinggoy Estrada sa opisina ng Senate Secretary ang empleyado ng Mataas na Kapulungan na nagngangalang “Beng Ramos” na nagpanggap na staff ng senador.
Pinangalanan ni dating Bulacan Assistant District Engineer Brice Hernandez sa pagdinig ng Kamara ang isang Beng Ramos na tauhan umano ni Estrada at ito ang nangongolekta ng komisyon para sa mambabatas.
Sa ipinadalang liham ng senador kay Senate Secretary Atty. Renato Bantug Jr., hiniling nito na imbestigahan ang isang Beng Ramos o si Divina Gracia Ramos na napag-alamang employed at staff ng Blue Ribbon Oversight Office Management.
Kapag mapatunayan na nagsisinungaling ang tauhan ay umapela ang tanggapan ni Estrada na parusahan ang naturang staff.
Naunang itinanggi ni Estrada na mayroon siyang staff na “Beng Ramos” at batay sa records ng senador mula 2004 ay wala siyang empleyado na may ganitong pangalan.
Ang nalalaman lamang niya ay may tauhan siyang naging kasintahan si Beng Ramos.









