Sinibak ng Korte Suprema sa trabaho ang isang empleyado nito na napatunayang walang dudang nagkasala sa kasong grave misconduct dahil sa paggamit ng marijuana sa loob ng korte.
Sa Per Curiam Decision ng Supreme Court En Banc, inatasan ang Supreme Court Medical and Dental Services na dalhin sa maayos na rehabilitation center ang respondent na si Louie Mark U. de Guzman, Storekeeper I, Property Division, Office of Administrative Services kung saan siya sasailalim sa programa.
Ipinag-utos na rin na kanselahin ang mga benepisyo ni De Guzman maliban sa kanyang leave credits kung saan ay habambuhay na rin na diniskuwalipika si De Guzman na magtrabaho sa alinmang ahensiya ng gobyerno.
Si De Guzman ay inirekomenda ng Deputy Clerk of Court at Chief Administrative Officer ng SC Office of Administrative Services na si Atty. Maria Carina Cunanan, na panagutin dahil sa paggamit ng iligal na droga, na inamin naman ni De Guzman.