Masusing pinapaimbestigahan ni Senator Leila de Lima sa mga otoridad ang napabalitang pagsibak sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa Hong Kong na nagpositibo sa COVID-19.
Giit ni De Lima, hindi natin pwedeng palampasin lang ang ganitong balita ng walang masusing imbestigasyon upang matukoy kung ano ang totoo.
Ayon kay De Lima, kailangang makumpirma ang mga ulat upang mapanagot ang mga employers na nagpabaya sa kanila.
Sabi pa ni De Lima, gabayan din ang resulta ng imbestigasyon para makapaglatag ng mekanismo ang gobyerno upang mapangalagaan ang ating OFWs kung magkaroon ng ganitong mga walang konsiderasyong pagtrato sa kanila.
Una rito ay sinabi ni Consul General Raly Tejada na may 30 OFWs sa Hong Kong ang nagka-COVID kung saan na-rescue na ang 10 na napilitang matulog sa labas makaraang palayasin at sibakin sa trabaho ng employer.
Binanggit naman ni Labor Secretary Silvestre Bello III na sa report ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) ay walang nabanggit ukol sa mga OFW na tinanggal sa trabaho dahil sa nagka-COVID.