Employer ni Jullebee Ranara sa Kuwait, blacklisted na sa Pilipinas; deployment ban, hindi pa rin ipatutupad ayon sa DMW

Nanindigan ang Department of Migrant Workers na hindi kailangang magpatupad ng Pilipinas ng deployment ban sa Kuwait.

Kasunod pa rin ito ng kaso ng pagpaslang sa Pinay Overseas Filipino Worker (OFW) na si Jullebee Ranara ng 17-anyos na anak ng employer nito.

Ayon kay DMW Secretary Susan “Toots” Ople, wala siyang nakikitang dahilan para magpatupad ng deployment ban dahil naging mabilis naman ang tugon ng mga awtoridad sa Kuwait.


Aniya, agad namang naaresto ang suspek habang patuloy din ang pakikipag-ugnayan ng awtoridad ng Kuwait sa Embahada ng Pilipinas doon.

Tiniyak naman ni Ople na prayoridad nila na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng OFW.

Naka-blacklist na sa Pilipinas ang employer ni Ranara.

Ibig sabihin, hindi na siya makakapag-hire ng OFW mula sa Pilipinas.

Sinisilip na rin ng ahensya ang track record ng recruitment agency ni Ranara dito sa Pilipinas at sa Kuwait.

Facebook Comments