Isinasagawa ng Commision on Elections (Comelec) ang kauna-unahang end-to-end test para makita ang buong proseso ng automated election para sa susunod na taon.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, ito’y para makita kung mayroong problema at mga bagay na dapat pang ayusin at tugunan upang matiyak ang mapagkakatiwalaang proseso gayundin ang resulta ng 2025 midterm elections.
Kabilang sa mga susubukan ang aktwal na pagboto gamit ang vote counting machines na mula sa Miru Systems at ang unang online voting para sa mga Pinoy na nasa ibang bansa.
Ipinakikita rin ang transmission ng mga boto na ang mga kopya ay matatanggap ng mga partner organization ng komisyon tulad ng PPCRV at Namfrel kasama ang mga nasa dominant majority at minority party.
Nilinaw naman ni Garcia na internal lang dapat sa Comelec ang pagsasagawa ng end-to-end test.
Ginagawa nila ito bilang bahagi ng pangako na gawing transparent ang mga aktibidad ng Comelec.
Kabilang na rin dito ang pagpapakita ng resulta ng mga pagsusuri sa mga prosesong gagamitin sa nalalapit na halalan.