Isang Philippine Eagle ang natagpuan kamakailan lang sa gubat ng Mount Apo sa Davao City, Davao Del Sur.
Ayon sa Philippine Eagle Foundation (PEF), namataan umano ng mga bantay sa gubat ang agila na tinatayang isang-taon gulang.
“Great news! Another juvenile Philippine Eagle was discovered recently in the forests of Mt. Apo!” saad ng grupo sa Facebook post nitong Miyerkules.
Nanganganib nang maubos at tinatayang 400 pares na lamang ng Philippine Eagle, na idinaklarang pambansang ibon, ang natitira sa ilang.
Noong Pebrero nakaraang taon, dalawang Philipine Eagle at inakay ng mga ito ang natagpuang namumugad sa Bukidnon.
Nanawagan ang PEF sa publiko na tumulong sa konserbasyon ng pambansang ibon sa pamamagitan ng pagdo-donate sa foundation na nag-iisang rehabilitation facility para sa mga Philippine Eagle sa bansa.