Endangered tamaraw na inaalagaan sa conservation program ng DENR, pumanaw na

Namatay na dahil sa katandaan ang isang endangered buffalo tamaraw sa conservation farm ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Brgy. Manoot, bayan ng Rizal, Occidental Mindoro.

Ayon kay June Pineda, Tamaraw Conservation Head, ang dwarf water buffalo ay may
edad na 21 anyos at itinuturing na critically endangered species dahil tanging sa isla lamang ng Mindoro ito makikita.

Ito ay ipinanganak noong June 24, 1999 mula sa mga magulang niya na namatay rin dahil sa katandaan.


Sa kasalukuyan, tinatayang nasa 400 na lang ang nabubuhay na tamaraw sa buong isla ng Mindoro at mahigpit ang batas dito na pagbabawal ang paghuli, pagbiyahe at pagkatay.

Agad kinuha ng lokal na pamahalaan ng San Jose, Occidental Mindoro ang labi ng tamaraw at inilagay sa isang storage facility habang hinihintay ang mga kinatawan ng DENR at Philippine Museum.

Sabi ni Vice Mayor Roderick Agas, nais nilang hilingin sa DENR na ma-preserba ang labi ng Tamaraw dahil sumisimbolo ito sa pagkakakilanlan ng kanilang lalawigan.

Isa kasi ang tamaraw sa ipinagmamalaking yaman ng isla ng Mindoro at naging tourist attraction na rin ng mga dayuhang bumibisita sa lalawigan.

Facebook Comments