Endorsement ng Muslim leaders, pinagpapasalamat ng panig ng oposisyon

Nagpapasalamat si Senator Risa Hontiveros sa suporta sa kanya ng mga opisyal mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM sa pangunguna ni Interim Chief Minister Ahod “Al Haj Murad” Ebrahim.

Bilang ganti ay tiniyak ni Hontiveros ang lalo pang pagpapalakas sa pagsusulong nito sa kapayapaan at kaunlaran sa Mindanao.

Malaking development din para sa panig ng oposisyon ang pagsuporta ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa pamamagitan ng United Bangsamoro Justice Party sa kandidatura ni Vice President Leni Robredo.


Kaugnay nito ay agad namang nilinaw ni Senatorial Candidate Antonio “Sonny” Trillanes IV na ang MILF ay hindi na grupo ng rebelde at sa katunayan ay sila na ang namamahala sa BARMM.

Sinang-ayunan din ni Trillanes ang pahayag ni House Deputy Speaker at Basilan Rep. Mujiv Hataman na ang endorsement na ito ay magkakaroon ng domino effect sa maraming lugar, hindi lang sa BARMM kundi sa buong Mindanao.

Ayon kay Trillanes, ang pag-endorso ng MILF kay Robredo ay mag “neutralize” sa suporta na ibinigay ng mga gobernador ng BARMM sa ibang kandidato sa pagkapangulo.

Hinggil dito ay ginarantiyan naman ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan ang pagsuporta sa agriculture sector sa Mindanao para sumigla ang ekomiya at marami ang magkaroon ng hanapbuhay sa rehiyon.

Facebook Comments