Energy committee sa Kamara, aalamin ang mga pananamantala ng mga oil company sa gitna ng pandemya

Kikilos ang Committee on Energy sa Kamara para malaman kung sinasamantala ng mga kumpanya ng langis ang pandemya para magtaas ng presyo.

Giit dito ni House Energy Committee Chairperson Mikey Arroyo, panahon na upang buksan ang mga libro ng oil companies upang makita kung may pangaabusong ginagawa ang mga ito sa publiko sa gitna ng health crisis.

Kasunod naman nito ay tiniyak ng kongresista na suportado ng komite ang rekomendasyon ng Department of Energy (DOE) na amyendahan ang Republic Act 8479 o Oil Deregulation Law dulot na rin ng serye ng oil price hike.


Sa liham ni Energy Sec. Alfonso Cusi sa Kongreso ay hiniling nito na aralin ang posibleng pag-amyenda sa Oil Deregulation Law.

Ito ay upang mabigyang kapangyarihan ang pamahalaan na mamagitan at tugunan ang matagal ng problema sa hindi namomonitor na pagtaas sa presyo ng langis.

Kasama rin dito ang unbundling sa halaga ng retail products upang matukoy ang totoong presyo at pass-on cost.

Babala ng kongresista, hindi maaaring gamitin ng oil companies ang naturang batas upang samantalahin ang mga consumer.

Facebook Comments