Aminado ang Department of Energy (DOE) na nagbabadya ang panibagong yugto ng karimlang naranasan sa mahigit tatlong dekada na ang nakakalipas, bunsod ng nakaambang krisis sa enerhiya sa pagsapit ng susunod na taon.
Ayon kay DOE Usec. Benito Ranque, higit na kailangan ang agarang pagkilos ng susunod na administrasyon sa pamumuno ni incoming President Ferdinand Marcos Jr. upang maibsan ang perwisyong kalakip ng kapos ng supply ng kuryente.
Gayunpaman, agad na pinawi ng nasabing opisyal ang pangamba ng marami kasabay ng paglalatag ng mga agarang solusyong aniya’y maaaring gamitin sa mahabang panahon.
Paliwanag pa ni Ranque, kailangan maging bukas ang pamahalaan sa paggamit ng makabagong teknolohiyang kalakip ng “modular nuclear reactors” na pwedeng ibiyahe saang panig man ng bansa.
Dagdag pa ni Ranque, may kakayahang magpailaw sa isang buong isla ang bawat unit ng mga modular nuclear reactors na ginagamit na rin ng mga mauunlad na bansang tulad ng Tsina at Estados Unidos.
Binigyang diin ni Ranque na nabigo ang mga nagdaang Kalihim ng DOE na isulong ang agenda sa enerhiya, partikular ang pagtataguyod ng mas maraming power plants na tutugon sa lumalaking pangangailangan ng populasyon mabilis na dumarami.
Paglalarawan pa niya, hindi hamak na mas mura, madaling ibiyahe at katumbas ng isang buong planta ang kayang ibigay na kuryente ng mga modular nuclear reactors lalo na sa mga islang pirming binabayo ng masamang panahon.
Kung siya aniya ang masusunod, higit na angkop na isama sa kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at foreign contractor ang mga pagpapadala ng mga ekspertong magpapatakbo ng aktuwal na operasyon. Dapat rin aniyang isaalang-alang ang usapin sa nuclear waste disposal.
Gayunpaman, hinikayat pa rin niya ang pagsusulong ng iba mga renewable energy development programs para sa mga electric cooperatives sa kanayunan.