Kasalukuyan na ngayong tinutugunan ng National Electrification Administration (NEA) ang energy crisis sa Occidental Mindoro na isinailalim sa “state of calamity” dahil sa 20 oras na araw-araw na pagkawala ng kuryente doon.
Ayon kay Senator Raffy Tulfo, muli siyang nakipagugnayan kay NEA Administrator Antonio Almeda para pagusapan ang mga inilatag na solusyon ng ahensya matapos ang naunang consultative emergency meeting dito ng Senado.
Sinabi ni Tulfo na humingi ng panahon si Almeda ng hanggang tatlong linggo para makapagbigay sila ng kongkretong solusyon sa problema.
Humingi na umano ang NEA ng Certificate of Exemption (COE) mula sa Department of Energy (DOE) para payagang makapasok sa Emergency Power Supply Agreement (EPSA) ang OMECO (Occidental Mindoro Electric Cooperative) at sa paraang ito ay makaka-secure na sila ng modular genset mula sa Singapore na makakapag-generate ng hanggang 17 megawatts (MW).
Bukod dito, humiling na rin si Almeda ng apat na modular gensets sa may tig-2 megawatts mula sa Mindanao at sa isang pribadong kumpanya na may humigit kumulang 5 megawatts ng kuryente.
Pinaaalis na rin sa Department of Finance ang restrictions sa pagkuha ng loan sa National Power Corporation (NPC) para magamit din sa mga lugar na may private power providers ang nagsusupply ng kuryente.