Pinaiimbestigahan ni Senator Sherwin Gatchalian ang krisis sa suplay ng kuryente sa Occidental Mindoro.
Sa inihaing Senate Resolution 576 ay inaatasan ang kaukulang komite sa Senado na magsagawa ng imbestigasyon para malaman ang short, medium at long-term solutions sa nararanasang energy crisis sa lalawigan.
Nakasaad sa resolusyon na ang Occidental Mindoro Electric Cooperative Inc. (OMECO) ang siyang nagsusuplay ng kuryente sa mga munisipalidad ng Abra de Ilog, Mamburao, Sta. Cruz, Sablayan, Calintaan, Rizal, San Jose at Magsaysay sa lalawigan ng Occidental Mindoro.
Batay sa pinakahuling Supply and Demand Outlook ng OMECO, ang lalawigan ng Occidental Mindoro ay mayroong power supply deficit na 15 megawatts sa buong araw.
Bunsod din ng nasabing kakulangan sa suplay ng kuryente ay nagpatupad ang OMECO ng daily rotational power schedule sa probinsya kung saan ang bawat bayan ay nagkakaroon lamang ng kuryente sa loob ng tatlo at kalahating oras araw-araw.
Dahil sa problema ay idineklara ng Sangguniang Panlalawigan ng Occidental Mindoro ang ‘state of calamity’ sa lalawigan dulot ng ‘damaging effects’ ng matagalang power interruption.
Maliban dito, sa kabila ng mga hakbang ng mga ahensya ng gobyerno na resolbahin ang power crisis sa Occidental Mindoro ay nagpapatuloy pa rin ang nasabing problema.