Binusisi na rin ng komite ni Energy Committee Chairman Senator Raffy Tulfo ang power crisis na nararanasan sa Samal island sa Davao del Norte.
Sa pagdinig, sinabi ni National Electrification Administration (NEA) Deputy Administrator for Legal Services Atty. Rossan Rosero-Lee na patuloy ang kanilang komunikasyon sa Northern Davao Electric Cooperative (NORDECO) kung saan 85% na ng submarine cable project na kumokonekta sa Pantukan-Samal grid ang nakumpleto na.
Sinabi ng NEA na ang dahilan sa energy crisis sa lugar ay dahil kulang ang naibibigay na kuryente ng NORDECO na nasa 6 megawatts lang gayong 9 megawatts ang kailangan sa Samal.
Nakwestyon naman ni Tulfo ang NORDECO kung bakit hindi agad nagawan ng solusyon at hindi agad nakita na lalakas ang negosyo, turismo at pangangalakal dahilan ng pagtaas ng demand ng kuryente.
Tugon ni NORDECO Institutional Services Manager Marilou Impuesto, sa darating na Biyernes, May 26, ay darating na ang dagdag na 2 megawatts modular generator sets para mapunan ang 9 megawatts na pangangailangan sa kuryente.
Aniya pa, sa pagdating ng dagdag na gensets ay i-si-synchronize ito sa existing na modular gensets at inaasahang sa loob ng isang buwan ay magiging matatag na ang suplay ng kuryente sa Samal.
Aminado naman ang NORDECO na ito ay pansamantalang solusyon pa lamang pero target naman nila sa June 30 ay matatapos at maikokonekta na ang Samal island sa Pantukan grid na may 69 kilovolt na inaasahang solusyon sa ilang buwan na rin na power crisis sa lalawigan.