Hinimok ni Energy Secretary Raphael Lotilla ang distribution utilities (DUs), electric cooperatives (ECs), National Electrification Administration (NEA), at ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na magtayo ng karagdagang typhoon-resistant power lines.
Layon nito na maiwasan ang malaking dagok sa mga linya ng kuryente kapag may malakas na bagyong tumatama sa bansa.
Ayon kay Lotilla, mahalaga rin na magkaroon ng patuloy na pag-evaluate sa wind resistance ng mga distribution at transmission lines.
Ito ay para maiwasan ang matagal na panunumbalik sa supply ng kuryente sa harap ng sunod-sunod na pagtama ng malalakas na bagyo sa bansa.
Tiniyak naman ng Energy Department na minamadali na ang pagsasaayos sa mga linya ng kuryente sa maraming lugar sa Luzon na hinagupit ng Super Typhoon Pepito.