Hinimok ni Senador Sherwin Gatchalian ang mga opisyal ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na tugunan ang tinatawag na energy poverty o kakulangan sa access sa elektrisidad sa rehiyon.
Sa harap ito ng datos ng National Electrification Administration noong Disyembre 2020 na 29.99% o mahigit 106,000 na pamilya ang wala pa ring kuryente sa lugar.
Giit ni Gatchalian, Habang patuloy na banta sa ating kalusugan ang COVID-19, ay kailangan pa rin ang matibay na programa sa pagkakaroon ng access sa elektrisidad para sa ating mga kababayan sa BARMM.
Paliwanag pa ni Gatchalian, kahirapan ay hindi lamang nangangahulugan ng pinansyal na kakulangan, dahil kasing halaga rin nito ang pagkakaroon ng sapat na kuryente kung saan hindi dapat mapag-iwanan ang BARMM.
Pinaalala din ni Gatchalian ang ibinunyag ng mga opisyal ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) sa Senate hearing na problema pa rin nila hanggang ngayon ang mahinang internet connection at hindi sapat na suplay ng kuryente kaya hirap sila na magsagawa ng online consultations at meetings.
Dahil dito ay muling isinulong ni Gatchalian ang panukalang Microgrid Systems Act na naglalayong mabigyan ng access sa elektrisidad ang lahat ng pamilyang Pilipino sa bansa.