
Nasa kustodiya na ng National Bureau of Investigation ang isang electrical engineer matapos mag-positibo sa isang search warrant operation sa Barangay Peñafrancia, Lungsod ng Naga.
Kinilala ang 40-anyos na propesyonal bilang si “Engr. Raul”, na may asawa’t mga anak at residente ng nasabing barangay.
Habang isinasagawa ang operasyon, nakuha sa mismong kwarto ng inhinyero ang 18 sachet ng hinihinalang shabu.
Ayon kay NBI Agent Rex Solano, investigator-on-case, ang mga pinaniniwalaang droga ay mga ebidensya na isasama ng NBI sa return of search warrant kay Judge Pablo Formaran III na siya ring nagpalabas ng warrant.
Dadalhin pa ang mga ito sa crime laboratory upang ipasailalaim sa dangerous drugs examination.
Kinukumpleto na lamang ng NBI ang mga dokumento na hinihingi ng piskalya upang isampa ang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa inhinyero.









