ENGKWENTRO | 500 mga indibidwal na lumikas dahil sa sagupaan sa Datu Paglas Maguindanao pinababalik na ng militar sa kanilang mga bahay

Maguindanao – Unti-unti nang bumabalik sa kanilang mga bahay ang limang daang mga indibidwal na naapektuhan ng sagupaan ng militar at ISIS inspired Bangsamoro Islamic Freedom Fighter o BIFF sa Datu Paglas Maguindanao.

Ayon kay 33rd Infantry Battalion Commander Lieutenant Colonel Harold Cabunoc kahapon ay agad silang nagsagawa ng clearing operation sa mga bahay ng mga residenteng lumikas upang matiyak na wala nang naiwan na Improvised Explosive Device (IED).

Binisita rin kahapon ni Cabunoc ang mga lumikas na pamilya na nanatili sa Datu Paglas Maguindanao Gymnasium at tiniyak sa mga ito na walang nabawas sa kanilang property dahil bantay sarado ito ng mga sundalo.


Pero humingi ng pasensya ang opisyal dahil nasira o partially damaged ang sampung mga bahay dahil sa sagupaan.

Payo naman ni Cabunoc sa mga inilikas na residente na huwag na huwag maniniwala sa pahayag ng ISIS inspired BIFF na karahasan ang sagot para magkaroon ng kapayapaan sa Datu Paglas Maguindanao.

Pinaiingatan rin ni Cabunoc sa mga lumikas na magulang ang kanilang mga anak upang hindi ma-recruit ng mga terorista.

Kamakailan ay tinangka ng ISIS inspired BIFF sa pamumuno ni Sulaiman Tudon na salakayin ang Datu Paglas Maguindanao kaya nagkaroon ng mainit na sagupaan na nagresulta sa pagkasawi ng apat na terorista at pagkasugat ng dalawang sundalo at isang CAFGU.

Facebook Comments