Makati City – Dead-on-the-spot ang isang hinihinalang drug personality matapos maka-engkwentro ng NCRPO-Drug Enforcement Unit sa Barangay Pio del Pilar, Makati City.
Kinilala ang suspek na si Rolando Abundo Jr. alyas “Bagyo”.
Ayon kay NCRPO-RDEU Chief Police Inspector Ferdinand Mendoza – alas 8:30 kagabi, magsisilbi sana sila ng search warrant sa suspek pero sa halip na sumuko, nagpaputok ito ng baril.
Gumanti naman ang mga otoridad na nagresulta ng pagkamatay ng suspek.
Narekober sa pinangyarihan ng engkwentro ang nasa 500 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P3.4 million, mga drug paraphernalia, ilang baril, granada at perang kinita sa iligal na gawain.
Ayon kay Mendoza, si alyas Bagyo ay wanted dahil sa pagtutulak ng iligal na droga at sangkot din sa gun-for-hire syndicate na nag-o-operate sa Makati, katimugang bahagi ng Metro Manila at Cavite.
Dinala na rin sa presinto ang walo pang kasamahan ni Abundo na naabutan din sa lugar para sa karagdagang imbestigasyon.