Iloilo – Patay ang isang miyembro ng New Peoples Army (NPA) habang siyam ang naaresto matapos na magka-engkwentro ang tropa ng Army 61st Infantry Battalion at CPP-NPA terrorist at Sitio Butuan, Barangay Igcabugao, Igbaras, Iloilo.
Ayon kay 1st Lieutenant Hazel Joy Durotan, Civil Military Officer ng 61st Infantry Battalion rumesponde kahapon ng tanghali sa pinangyarihan ng encounter ang mga sundalo matapos na makatanggap ng report na may presenysa ng nasa sampung armadong kalalakihan sa lugar.
Pero pagsapit nila sa lugar ay pinagbabaril sila ng armadong grupo na mga miyembro pala ng CPP-NPA terrorist.
Gumanti ng putok ang mga sundalo at umabot ng tatlumpung minuto ang sagupaan bago nagsitakas ang mga teroristang NPA.
Sa isinagawang pursuit operation ng mga sundalo narekober nila ang bangkay ng isa sa mga NPA terrorist at naaresto ang siyam na NPA nang magkaroon uli ng panibagong encounter.
Nakuha sa napatay na NPA ang backpack, IED at bandolier ng 5.56mm.
Habang nakuha sa mga naarestong NPA ang tatlong galon ng gasolina na pinaniniwalaang gagamitin ng NPA para sa planong pagsunog ng pasilidad ng Century Peak Energy Corporation o CPEC.
Wala naman nasugatan o nasawi sa panig ng tropa ng pamahalaan.
Nagpapatuloy ang pagtugis ng militar sa mga miyembro ng NPA sa lugar.