Magsasagawa na ng pagdinig ang Committee on Public Order and Dangerous Drugs ukol sa naging engkwentro sa pagitan ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency Special Enforcement Service at ng mga operatiba ng Quezon City Police District Special Operations Unit.
Magaganap ito bukas ng alas-10:30 ng umaga.
Naganap ang nabanggit na madugong engkwentro noong February 24 kung saan apat ang nasawi na kinabibilangan ng 2 Police Officers, 1 PDEA Agent, 1 PDEA informant habang mayroon ding mga nasugatan.
Ayon kay Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na siyang Chairman ng komite, pangunahing imbitado sa pagdinig sina NBI Director Eric Distor, PNP Chief General Guillermo Eleazar at iba pang opisyal ng Pambansang Pulisya.
Imbitado rin ang mga opisyal ng PDEA sa pangunguna ni Director General Wilkins Villanueva.
Pagbabasehan sa pagdinig ang nga resolusyong inihain nina Senators Leila De Lima, Risa Hontiveros at Senate President Tito Sotto III kung saan aalamin kung lehitimo ang nabanggit na anti-drug operation na pinag-ugatan ng engkwentro ng magkabilang grupo.
Target ng pagdinig na mabusisi ang kasalukuyang Law Enforcement Procedures at Protocols na may kaugnayan sa mga operasyon laban sa ilegal na droga.
Kasama din sa layunin ng pagdinig na tukuyin kung dapat amyendahan ang Comprehensive Drugs Act of 2002, gayundin ang panukalang pagbuo ng Presidential Drug Enforcement Authority.