
Inilipat na ng Senado sa Department of Justice (DOJ) ang kustodiya para kay dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan District Engineer Henry Alcantara.
Mag-a-ala una ngayong hapon ay sinundo nang mga tauhan ng DOJ si Alcantara mula sa detention facility ng Mataas na Kapulungan.
Nakasuot si Alcantara ng bullet proof vest at helmet at kasama niyang lumabas sa Senate facility ang mga tauhan ng DOJ.
Agad din itong isinakay sa sasakyan ng DOJ at mabilis ding umalis sa gusali ng Senado.
Hindi naman binangit kung saan dadalhin si Alcantara na nasa ilalim na ng Witness Protection Security and Benefit Program (WPSBP) ng DOJ.
Sumailalim din sa medical check up si Alcantara bago ito kinuha ng mga tauhan ng ahensya.
Bago ito ay nagpadala ngayong araw ng liham si DOJ Secretary Fredderick Vida sa opisina ni Senate President Tito Sotto para hilingin ang paglilipat ng kustodiya ni Alcantara.










