Isinailalim sa Enhanced Localized Community Quarantine ngayon araw, July 8, 2020 ang dalawang residential building sa Filinvest Socialized Housing complex.
Ito ay ang Builing 1 at 7 sa Brgy. Alabang, Muntinlupa City.
Ayon kay Muntinlupa City Health Officer Dr. Tet Tuliao, tatagal ang nasabing lockdown ng 15 araw, kung saan magtatapos ito sa July 22, 2020 ng alas-12:00 ng madaling araw.
Batay sa kanilang tala, ang buildings 1 at 7 ay mayroong 15 active cases at mayroong narrow doubling time na 1.89 days, kung saan ito na ang pinakamabilis na transmission rate sa mga lugar ng lungsod na isinailalim sa lockdown.
Ang doubling time ang bilang ng araw na nadodoble ang bilang ng kaso ng COVID-19 cases sa isang lugar.
Sa obserbasyon ng lungsod, ang naturang lugar ay magkakadikit ang mga bahay at mayroong high risk population na mga bata, buntis, Persons with Disability (PWD) at senior citizens.
Ang Filinvest Socialized Housing ay mayroong 18-building residential complex na may 80 pamilya na katumbas ng 303 indibidwal.
Ito na ang pang-apat na lockdown na ipinatupad ng Muntinlupa City government sa mga komunidad ng lungsod, kabilang dito ang Morning Breeze ng Barangay Alabang, Sitio Pagkakaisa Zone 3 interior in Barangay Sucat, at Block 35 Excess Lot sa Soldiers’ Hills Village ng Barangay Putatan.